Tuesday, September 2, 2025

The 21st Century Learner

Sharing the poem I wrote for my homework on reflections on the 21st century teacher for my graduate class:

Hindi raw ako nagsusumikap,

Dahil mababa ang aking marka.

Pero ang hindi nila alam,

Ako rin ay lumalaban, tahimik, nag-iisa.


May mga modules at video lessons,

Na minsan ay hindi ko napapanood,

Dahil cellphone lang ni nanay ang gamit,

At madalas wala akong pang-load.


Madali na lang daw ang mag-aral ngayon,

Nasa tuktok ng daliri lahat ng impormasyon.

Subalit ako ay hirap na hirap,

Dahil sa aming lugar ang wifi signal ay mailap.


Lahat ng kaklase ko, may laptop o tablet,

May ChatGPT subscription at 24/7 na internet.

Samantalang ako, sa Zoom ay laging huli,

Kahit nga pagkain, minsan walang pambili.


Nag-aaral sila sa TikTok, YouTube, at Reddit

Nag-cocollaborate sa Viber, FB, o Google Meet,

Ako naman ay bihasa kung alin ang totoo at huwad,

Na hindi lahat sa internet ay dapat paniwalaan agad.


Sana ito ay nakikita ng aking mga guro,

Na kahit salat sa gamit, gustong-gusto ko ang matuto.

Kahit mahina ako sa makabagong paraan ng pag-aaral,

Namumuhay akong matapat, dalisay, at marangal.